Ang mas mahalaga ay iyong feelings ko para sa babaeng hinahalikan ko. At sa lahat ng hinalikan ko ay sa isang babae pa lang ako may naramdamang kakaiba.”
Isang uliran at dakilang masahista si Tonette. Correction, reflexologist pala. Kasali sa listahan ng valued clients niya si Don Enrico, may-edad na pero mabait at saksakan ng simpatiko. Kung mahilig lang siya sa seniors ay malamang na pinatulan na niya ang matanda. Pero bakit nga ba hindi? May asim pa naman ang don.
Hindi pa man napagpapasyahan ni Tonette kung papatusin o igagalang na lang si Don Enrico bilang nakatatanda ay umentra sa eksena ang pamangkin nitong si Julio. Like uncle, like nephew. Namamana yata ang pagiging simpatiko. Ang malaking lamang ni Julio, mas bata ito, mas sariwa. Pero mas masagwa ang ugali. Iyon ang opinyon ni Tonette. At iyon ang pananggalang niya para huwag mapasali sa mga babaeng sa isang sutsot lang ay napapatid at nangungudngod na sa pagmamadaling lumapit kay Julio.
Pero nang mapansin niyang hindi kasinsama ng ipinalagay niya ang ugali ni Julio ay nanganib siyang magkandapatid at magkandangudngod din. Ang masaklap, sinusutsutan man siya ni Julio, iyon ay hindi para mahalin.